Minamahal kong Luna,
Sumipol ang Habagat
Kung kaya’t binaybay ko
Ang dalawampu’t apat
Na bundok ng iyong gunita.
Batid kong may pait at pagod
Na humahampas
Sa iyong kaluluwa.
Luna…
Suwail ang kapalaran.
Wag kang maibsan ng lakas
O manlambot
Sa bulong nitong mapanlinlang.
Wag kang pakahihimbing
Sa uyayi nitong kabiguan.
Bangungot sa isip mo’t kalamnan.
Luna…
Ilang marahas na hagod at kagat
Pa ang hahayaan mong lumatay
Sa nangadudurog mo nang pagkatao?
Ilang ulit ka pang pagagahasa sa takot
At pagtitimpi?
Sapat nang pagtangis ang kumitil
Sa kinang ng iyong mga mata.
Luna…
Hayaan mong maghilom ang hilahil
Na nagdurugtong sa yo at sa lumipas.
Iwaksi mo ang bagabag sa
Bugbog mo nang damdamin.
Wala sa pananahimik
Ang pangako
Ng kalalayaan…
No comments:
Post a Comment